Mahigpit na paalala mula kay PNP Chief Police General Nicolas Torre III: ang mga pulis na sobra sa timbang ay maaaring mawalan ng trabaho kung hindi nila maaabot ang tamang timbang sa loob ng isang taon. Ito ay bahagi ng kampanya ng bagong talagang PNP Chief na pagtibayin ang disiplina, pisikal na kahandaan, at propesyonalismo sa hanay ng kapulisan.
“Hindi lang ito tungkol sa itsura. Ang pagiging physically fit ay nangangahulugang handa kang maglingkod at rumesponde ng mabilis. Ang disiplina sa katawan ay repleksyon ng disiplina sa trabaho. Ayokong may pulis na hindi makaabot ng habulan o hinihingal paakyat ng hagdan. Kung gusto mong manatili sa serbisyo, alagaan mo katawan mo.” - PNP Chief Police General Nicolas Torre III:
Sa panayam, sinabi ni Torre na ito ay base sa Section 30 ng Republic Act No. 6975 (DILG Act of 1990), na nagtatakda ng standard weight requirement ng mga miyembro ng PNP batay sa taas, edad, at kasarian. Ang dapat lamang na deviation mula sa ideal weight ay hindi lalagpas sa lima (5) kilo, pataas o pababa.
“Kung may standard weight and height, hindi ka dapat sobra ng five kilos, hindi ka mababa,” paliwanag ni Gen. Torre.
Ayon sa regulasyon ng PNP, ang mga pulis na hindi pasado sa kanilang required weight ay bibigyan ng 6 na buwan hanggang 1 taon upang ayusin ang kanilang kalusugan. Sa panahong ito, inaasahang magsagawa sila ng exercise, tamang pagkain, at lifestyle change.
Ngunit kung walang pagbabago pagkatapos ng isang taon, sinabi ni Torre na maaaring masibak sa serbisyo ang mga hindi sumusunod.
Ang hakbang na ito ng bagong talagang PNP Chief Torre ay isang matapang na kilos upang ibalik ang disiplina, kredibilidad, at kahandaan ng mga alagad ng batas. Hindi lamang ito tungkol sa pisikal na anyo, kundi sa seryosong pagganap ng tungkulin.
Habang umaani ito ng halo-halong reaksyon sa publiko, malinaw ang mensahe ni Torre: ang serbisyo publiko ay may kaakibat na responsibilidad—at kabilang dito ang pagiging malusog.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento