Isang dating kasambahay sa Hong Kong ang biglang yumanig sa social media matapos niyang ibahagi ang hindi inaasahang biyaya mula sa kanyang yumaong amo — isang mana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 25 milyong piso.
Si Daisy Bucad-Eng, tubong Mountain Province at dating naglalako ng asin, ay nagtrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong sa loob ng labing-isang taon. Sa kabila ng maliit na sahod na P2,700 kada buwan, nanatili siya sa kanyang among si Marie, isang mabait na banyagang ginang na itinuring siyang pamilya.
Hindi lubos akalain ni Daisy na magbabago ang kanyang kapalaran matapos pumanaw si Marie noong 2002. Laking gulat niya nang mabalitaan na isinama siya ng amo sa last will and testament, kung saan nakatanggap siya ng mga ari-arian, stocks, at pera na tinatayang aabot sa 25 milyong piso.
"Imagine ba naman, siya ang nagbago ng kapalaran ko. Gagawin ko ang lahat para maging tao na karapat-dapat sa tiwala niya.” -Daisy
Pagbalik niya sa Pilipinas, ginamit ni Daisy ang kanyang mana upang magtayo ng negosyo. Isa sa mga bunga ng kanyang sipag at katalinuhan sa paggamit ng biyaya ay isang limang palapag na gusali, kung saan siya mismo ang nakatira ngayon sa penthouse.
Ang kwento ni Daisy ay nagpapatunay na hindi pera ang batayan ng tagumpay, kundi pagpapakatao at katapatan sa serbisyo. Sa halip na tumutok sa laki ng sahod, pinili niyang manatili dahil sa mabuting pakikitungo ng kanyang amo — at sa huli, siya ang pinagpala.
Hindi rin sinayang ni Daisy ang oportunidad. Sa halip na gastusin lamang ang pera, isinugal niya ito sa mas matatag na kinabukasan. Sa mundo ng kasambahay, siya ngayon ay naging huwaran ng pag-asa at tagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento