Isang 27-anyos na babae mula sa Makilala, North Cotabato ang patunay na kahit gaano kalalim ang pagkakalugmok, posible pa ring bumangon. Si Honeylene Alindanao, na minsang nadakip dahil sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, ay ngayon ay graduate na ng kolehiyo at may bitbit pang karangalan.
“Akala ko dati wala nang pag-asa. Pero nung nasa kostodiya ako, doon ko naisip na pwede pa pala akong bumawi. Hindi ako isinuko ng Diyos,” ani Honeylene.
“Kung hindi nila ako kinausap at sinabihang kaya ko pa ring magbago, baka hanggang ngayon nasa masamang buhay pa rin ako. Malaki ang utang na loob ko sa kanila,” dagdag ni Honeylene.
Taong 2020 nang masangkot si Honeylene sa droga at mahuli ng mga otoridad. Ngunit sa halip na tuluyang malugmok, naging turning point iyon para sa kanya. Sa loob ng dalawang buwang pagkakapiit, napagtanto niyang may mas mabuting daan na maaari niyang tahakin.
Mula noon, nagsimula siyang mag-aral muli. Nakapagtapos muna siya ng high school noong 2023 with honors, at ngayon — matapos ang isang taon — natapos din niya ang kanyang Hotel and Restaurant Management course sa parehong paaralan. Bitbit niya ang parehong determinasyon at pangarap na maging isang chef balang araw.
Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang Makilala Police na aniya’y naging gabay at inspirasyon sa kanyang pagbabago.
Ang kwento ni Honeylene ay hindi lang kwento ng pagtatapos, kundi kwento ng panibagong simula. Sa mundo kung saan mabilis ang paghusga, si Honeylene ang paalala na ang tunay na pagbabago ay posible — basta may tiyaga, determinasyon, at suporta ng komunidad. Sa kabila ng kanyang madilim na nakaraan, mas pinili niyang kumapit sa pag-asa at ngayon ay nagsisilbing inspirasyon sa marami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento