Advertisement

Responsive Advertisement

1,800 ESTUDYANTE, PINAGKAKASYA SA 2 SILID-ARALAN SA NAIC, CAVITE—MGA MAGULANG GALIT AT NADISMAYA

Miyerkules, Hunyo 18, 2025

 



Labis ang pagkabigla at pagkadismaya ng mga magulang sa Calubcob Elementary School sa Naic, Cavite matapos ibalita na 1,800 estudyante ang pinagkakasya lamang sa dalawang classroom. Ayon sa ulat ng GMA News, dahil sa kakulangan ng silid-aralan at guro, napilitan ang paaralan na magkaroon ng anim na magkakahiwalay na shift sa loob ng isang araw upang ma-accommodate ang lahat ng estudyante.


Ang eksena sa loob ng classroom ay tila parang sardinas—ang mga upuan ay halos dikit na sa pisara, habang ang iba ay wala nang maupuan at tumatayo na lamang sa labas ng pintuan upang makinig sa leksyon. Ayon sa ilang guro, ilang housing unit ng NHA ay ginawa nang pansamantalang silid-aralan, ngunit kahit ito ay hindi pa rin sapat para sa dami ng bata.


Hindi napigilan ng mga magulang ang kanilang galit at pagkadismaya sa Department of Education at sa administrasyong Marcos. Anila, matagal na nilang sinasabi ang problema ngunit tila walang nakikinig o kumikilos.


“Hanggang kailan po magtitiis ang mga anak namin? Edukasyon daw ang prioridad pero bakit ganito?” ayon kay Aling Merly, isang magulang.


Isa pang magulang ang nagpahayag ng pagkabahala sa kaligtasan at kalidad ng edukasyon ng kanilang mga anak.


“Paano matututo ang bata kung siksikan, mainit, at hindi makafocus? ‘Yung iba nga, hindi na pumapasok dahil sa sobrang hirap ng setup.”


Bukod sa silid-aralan, kulang na rin sa guro ang paaralan. Dahil dito, napipilitang magturo ang ilang guro sa mahigit 100 estudyante kada klase, bagay na labis na nakabababa sa kalidad ng edukasyon.


“Ginagawa namin ang lahat, pero talagang kulang na kulang ang resources. Sana naman ay pansinin kami,” pahayag ng isang guro na tumangging pangalanan.


Ang kalagayan ng Calubcob Elementary School ay sumasalamin sa mas malawak na problema ng kakulangan sa edukasyonal na pasilidad sa bansa. Sa kabila ng mga pangako ng administrasyon, tila ba paulit-ulit ang senaryo ng pagtitiis at pagkakampante.


Kung tunay na prayoridad ang edukasyon, dapat madinig at matugunan ang hinaing ng mga guro, estudyante, at magulang—bago pa tuluyang mawalan ng pag-asa ang susunod na henerasyon ng kabataan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento