Sa ikalawang araw ng rehearsal ng Miss Universe 2023 candidates, isa-isang tinahak ang lahat ng mga delegado sa runway at nagsampol ng kani-kanilang catwalk.
Hindi napigilan ng ibang mga babae na mapatingin nang si Miss Philippines ang rumampa. Smooth at flawless ang performance ni Michelle Dee.
Aminin mo man o hindi, sa mga rehearsals na ito ay hindi maiiwasan na lahat ng mata ay nakatuon sa kinatawan ng Pilipinas, dahil isa tayo sa mga bansang Powerhouse pagdating sa mga beauty pageant.
Base sa video, kumpirmadong magsusuot muli ng kapa sa swimsuit competition ang mga kandidatong makapasok sa Top 20. Iba ang kapa ngayong season dahil parang may maliit na unan sa ulo ng nagsusuot.
Walang dapat ikatakot ang mga Pinoy dahil inaasahan na ito ng runway coach ni Michelle na si Ian Mendajar. Kasama ang kapa sa mahigit limang buwan niyang pagsasanay kay Michelle.
Kahit ano pa yan, siguradong dadalhin ng mabuti ng ating kandidato. Samantala, habang tumatagal na magkasama ang mga kandidata sa El Salvador, mas nagiging close sina Michelle at Miss Thailand Antonia Porsild.
Kung noong unang panahon ay parang hindi sila nagpapansinan, ngayon, nakunan sila ng camera na sabay na kumakain ng tanghalian.
Magkatabi din sila sa mismong rehearsal. Nagawa pa ni Antonia na gawing kumot ang tela mula sa suot ni Michelle nang lumamig sa venue.
Game na game na kinunan ito ng video ni Miss Philippines at ipinost pa sa kanyang Instagram account. Kahit na nagiging malapit na ang dalawa sa isa't isa, alam naman nating kompetisyon pa rin ito.
Sa ngayon ay nangunguna si Michelle Dee sa botohan ng Voice for Change ngunit may balitang gusto tayong lamangan ng ating kapitbahay.
Ayon sa post ni "forthephilippines" na may 163K followers sa Instagram, "Mga kababayan maghanda tayo dahil may pumasok na mensahe ngayon na magbabagsak ng isang bagsakan ang ating kapitbahay para sa voice for change. Sa last day daw sila hahataw kaya sana mapanatili natin ito. Kaya pala bigla sila kumalma."
Sana hindi tayo makampante at sama-sama nating ipanalo si Michelle sa laban na ito. Ipakita natin sa kanila ang lakas ng Pilipinas. Ikaw, bumoto ka na ba sa Voice for Change at sa Miss Universe app?